Ala eh! batanggenyo ka ga?

•Hulyo 20, 2009 • Mag-iwan ng Puna

Sadyang interesante ang mga salita sa Batangas. Narito ang ilan sa mga naaalala ko pa at galing din sa ibang blog. Idagdag pa natin ang sinasabi nilang kakatwang punto meron dito. I miss Lemery Batangas!Proud to be Batangenya!!

alibadbad – asiwa
amos -dumi sa mukha
angot – mabaho
anlalawa -gagamba
are -ito
asbad- palo
asbag -kabag
asbok -usok
awas -apaw
bahaw- kaning malamig
baklay –sakla
banas – init
balingusan- ibabaw ng ilong
bangyaw -malaking langaw
bargas – masama ang ugali
barik- inom ng alak
bilot – tuta
bunite – tinapay na bilog parang monay
dulos – pandukal ng damo
galapong – giniling na kape o bigas
gamas – pag-aalis ng damo
gulok – itak
guyam – maliit langgam
hantik – malaking langgam
harok – hilik
hawot – tuyo
huntahan – kwentuhan
kalamonding – kalamansi
karibok – kagulo
kitse – tansan
kustal – sako
labon – laga
liban – (mabilis) tawid
liban – (Malumanay) hindi pumasok, absent
lintog – lapnos
maanta – mabaho
maligalig – iyakin
magkusi – magluto
maghikap – maggala
mamay – lolo
mura – buko
mutaktak – alam
pagaw – malat
pagerper – kalapating mababa ang lipad
pandalas-nagmamadali
papagayo-saranggola
pigtal- pilaspinindot – ginataang bilo-bilo
sakol – kain nang nakakamay
sinturis – dalandan
sungaba – subasob
supok – sunog
sura – inis
takid – tisod
tangla – istambay
tindagan – pantusok ng bar-b-que
tinghar – tihaya
tubal – maruming damit
tuklap – tanggal ang balat
tuklong – kapilya
tulyasi – malaking kawa
tungko – kalan
utay-utay – dahan dahan

Kapitan Sino:Part II

•Hulyo 19, 2009 • Mag-iwan ng Puna

“Kung lahat ng tao may kapangyarihan, eh di sana lahat tayo bayani.

Kung lahat ng tao may konsensya, hindi kailangan ng bayani.

Paano yung mga nadidisgrasya?

Hindi hawak ng tao ang buhay, pero hawak ng tao ang kapangyarihan para hindi pahirapan ang ibang tao.”

Natapos ko nang basahin ang librong ito ni Bob Ong. Interesante naman ang libro ngunit sa hindi inaasahan ay hindi ko siya masayadong nagustuhan. Hindi ko alam kung bakit, ito ba ay dahil sa mabagal na daloy ng istorya o dahil ayokong tanggapin sa sarili ko na ang masaklap na buhay ni Kapitan Sino ay salamin ng buhay nating lahat. Ang miserableng pakikipagsapalaran ng isang bayaning si Rogelio na bagama’t piniling maging tagapag-ligtas ng mga tao, ay nakatanggap lamang ng paninisi galing sa ilang kababayan sa isang sitwasyon na siya ay walang kinalaman.

Ang isang superhero na piniling ibuwis ang kaniyang buhay, binigay ang kaniyang dugo na siyang gamot upang mailigtas ang sangkatauhan. Ngunit, matapos lamang ang ilang buwan, Nasaan na ang alaala ni Kapitan Sino? Nasaan na ang mataas na pagpupugay ng mga tao sa kaniya? Nagmistulang masaklap na alaala na lamang si Kapitan Sino at si Rogelio Manglicmot sa buhay ng mga tao. Oo nga’t nagbigay sila ng pagkilala sa ginawang kabayanihan ni Rogelio, pero sapat na ba yon? sapat na ba ang isang araw lamang,isang araw kung saan ang ilang tao ay nagkukuwentuhan lamang, natutulog at ilang mahalagang tao na sa halip na ipaalala ang kabayanihan ni Kapitan Sino ay ibinida ang kaniyang sariling proyekto, mga walang kuwentang proyekto na wala namang maidudulot na maganda sa barangay Pelaez?

Ganun na lang ba kadaling burahin sa mga isipan natin ang isang tao na nagbuwis ng buhay para sa nakararami? Hindi ba’t dapat maging bayani tayo sa ating mga sariling paraan?

Masakit isipin na mayroong ganitong kaugalian na umiiral sa ating mga Pilipino. Sa halip na pasalamatan ang ilang tao na may nagawang mabuti sa atin, ibinubunton natin sa kanila ang ilang bagay na maaring kasalanan natin. Kahit na nakakalungkot isipin na may ganitong sistema sa Pilipinas, nakakatuwa pa rin na maraming kuwento ng kabayanihan ang maririnig sa atin. Maraming bayani man ang namamatay ng hindi nakilala ng lahat, ay marami pa din naman ang bayaning ipinapanganak. Maraming kuwento ng kabutihan, kuwentong naghihintay lamang na mabuksan, kuwento nakapinid pa sa atin at hinihintay lamang na matuklasan.

“Wala namang napapala ang bayani kung lalagyan mo ng bulaklak ang punotd nya. Ang pagrespeto sa bayani, pagrespeto sa mga ipinaglaban nya. Pangalagaan mo ang kalayaan, o ang magandang buhay na pangarap nya para sa lahat.”

Kapitan Sino

•Hulyo 13, 2009 • Mga Puna

photo312Matapos ang mahabang panahon ng paghihintay at pag-iipon, nakabili na din ako ng Kapitan Sino ni Bob Ong. Subalit, hindi ko pa nababasa ang libro dahil medyo abala nitong mga huling araw. Maraming mga pagsusulit ang nakapila at maraming oras ang nasayang dahil sa Swine Flu na naging dahilan para tamarin ang utak kong dati ay maayos pang gumagana. Isa ako sa mga masugid na taga-hanga ni Bob Ong, kaya kahit na medyo namamahalan ako sa manipis niyang libro ay bumili na din ako.(isa pa lang akong estudyante..pasensya sa kakuriputan)

Kahanga-hangang gamit ang mga ordinaryong salita sa isang ordinaryong libro na may kakatwang pabalat, ay naipahahayag ni Bob Ong ang mga ideya na dati ay kinukubli at mariing tinatago sa publiko. Ang mga hindi kanais-nais na kaugalian nating mga Pilipino na araw-araw mang pinupuna ng lahat ay araw araw din nating ginagawa (oo, pati kaw,ginagawa mo din yon!) Sino ba sa atin ang hindi kailan man, nagsalita ng masama sa ating kapwa?Wala…masakit mang isipin.

Sino nga ba si Kapitan Sino? mababasa ko din siya.ngunit hindi sa ngayon ..hahayaan ko munang magpahinga ang librong ito kasama ang iba pang libro na pulos ingles ang alam na wika..

Gapo:Pagsusuri

•Hunyo 13, 2009 • Mga Puna

gapo2

Sa mahabang pakikipagsapalaran ng kuwentong ‘Gapô, nailarawan pa rin ng may-akda ang totoong kahulugang nakapaloob ditto. Sa nobelang aking nabasa, ang istilo ng pagsusulat ni Lualhati Bautista ay nakapagpabuhay sa aking puso’t isipan. Akmang-akma ang mga katagang binibitawan ng bawat tauhan sa kuwento, naipapakita niya sa bawat salita ang hinagpis, lungkot, saya, poot, hinanakit, pagmamalasakit, pag-aalala at pagmamahal. Ginising ng bawat linyang sinasabi na tauhan ang aking emosyon, naramdaman ko kung kelan naging totoo at kung kelan nagkunwari. Angkop ang lengguwaheng ginamit ng bawat tauhan sa napiling tagpuan ng istorya. Tagumpay na nailipad ako at nailakbay ang aking isipan sa mga pangyayari, kabutihan man o kasamaan sa bayan ng Gapô. Naging tagumpay rin si Lualhati sa paglalarawan sa mga tauhan, mga alitang nagaganap sa kanila, sa mga Pilipino at Amerikano. Nailahad niya ng mabuti ang pagkakaiba ng totoo sa realidad, sa kulay ng balat, sa salaping ibinabayad at ang katotohanan sa kabalintunaan ng pagkakaibigang Pilipino-Amerikano.

“Ang nobelang Gapô ay nagsisilbing kurot sa gunitang pinamamanhid ng propaganda ng umiiral na kaayusan.”sabi nga nila. Sa buhay sa Gapô, naipakita at nadarama ang matinding alyenasyon ng mga kasamaan at panghahamak na dinaranas ng Pilipino at maging ng mga Amerikano dahil sa sistema ng imperyalismo at diskriminasyon. Sa nobelang ito, inilarawan ang buhay ng mga kapatid ni Juan de la Cruz na umaasa sa katas ng base ng Amerikano habang kinakatas din naman ang kanilang dignidad at amor-propyo. Inilahad ditto ang kabaliktarang nagaganap sa pagkakaibigan ni Juan at ni Sam. Konkreto sa kaso nina Michael, Magda, Modesto at Ali na agrabyado ang mga Pilipino sa sistemang ito, na palso ang sinasabing pagmamalasakit ng Estados Unidos sa karapatan ng tao.

Bilang mambabasa, nakita ko ang kakayahan ng nobelang Gapô na magtambad ng kontra-realidad, ng isang ilusyong magtuturo ng mga posibilidad na ang takbo ng piksyunal na buhay ay mabaligtad. Sa mensaheng sinasaklaw ng nobelang ito, natutunan ko na ang buhay sa Gapô ay sadyang napakahirap. Ipinapakita rito ang talamak na sistema ng diskriminasyon at prostitusyon sa bayan. Ang buhay kasama ang mga kapatid ni Sam, itim man o puti, ay mahirap lalo na kung hindi ka marunong makisama at lumagay sa dapat mong kalagyang posisyon. Ang di pantay na atensyon at pagtingin ay tinitingnan nila sa kung anong kulay ng balay, puti sa itaas, itim ang sunod at kayumanggi ang laging nasa huli. Bakit nga ba ganito sa ating bayan, kung sino pa ang tunay na nakatira ay siya pa ang itinuturing na iba? Ganito na kalala ang diskriminasyon sa ating bayan. Ipinapakita ng Gapô ang pagiging dehado ng mga Pinoy at ang kabalintunaan sa mga katagang “To The Lasting Friendship of Two Great Nations”.

Sa kabuuan, kung magbibigay ako ng grado sa nobelang ito, sa bahagdan na 1 hanggang 5, 1 ang pinakamataas at 5 ang pinakamababa, binibigyan ko ito ng 2 sapagkat matagumpay na naisalamin mg nobelang ito ang mga pangyayaring nagaganap sa bayang OlonGapô. Karagdagan pa rito, naipahayag ng husto ng may-akda ang kanyang emosyon sa bawat linyang lalabas sa bibig ng tauhan at sa bawat kilos at galaw ng mga ito. Naipaliwanag niya ng husto ang mga damdamin ng tauhan sa mga sitwasyong haharapin nila. Nananatili ring nag-iisip ang mga mambabasa sa kung ano ang susunod na mangyayari at nagagawa niyang pasabikin ang kanyang mambabasa sa bawat kabanata. Naipaliwanag sa nobelang ito ang pinagmulan ng diskriminasyon at mga pangarap ng mga hostess na nagmistulang kabute sa tuwing darating at aalis angn mga Kano.

Bilang mambabasa, inirerekomenda ko ang mga kabataan upang basahin ang aklat na ito upang kanilang malaman ang katotohanan sa likod ng pagkakaibigan nina Juan at ni Sam. Malalaman nila ang mga mahahalagang nagaganap dito sa ating bansa at mamumulat sila ng maaga sa pagmamalasakit o panghahamak sa atin ng mga Aerikano. Ang mga kakayanan ng Pilipino ay naipakita, ang pagiging hospitable sa mga bisita kaya pati ang pagsakop ng mga dayuhan ay nagingn api-apihan tayo at naghintay ng halos 400 na taonng nakahulagpos sa kadena.

ako mismo..

•Hunyo 12, 2009 • Mag-iwan ng Puna

dog-tag

Matapos kong mapanuod sa telebisyon ang kampanyang AKO MISMO, isa lang ang pumasok sa isipan ko, Sino ang politiko na nasa likod ng propagandang ito?. Alam naman natin dito sa Pilipinas ay nagkalat ang walang katapusang patalastas na naglalaman ng matatamis na pangako na minsan tayo ay naniwala. Hindi nga ba’t malapit na naman ang eleksyon kaya’t hitik na naman ang ating mga telebisyon ng mga bulok na pangako’t kampanya.

Subalit, aking napansin na ang kampanyang AKO MISMO ay hindi katulad nito. Ito ay nagsisilbing tulay upang tayong mga Pilipino na uhaw na uhaw sa maunlad na pagbabago ay magkaisa at magbuklod. Layunin nito na magtatag ng isang pundasyon kung saan ang tayong mga indibidwal mismo na may magandang balak sa ating bansa ang kikilos. TAYO MISMO, masa na naghihintay ng kahit sa kaunting progreso, AKO MISMO na nangangarap ng tahimik at maayos na bukas ang kikilos upang mabuksan ng susi ng aking kaalaman ang pinto tungo sapagbabago.

Nakakatuwang isipin na marami pa ring mga Pilipino ngayon,matanda man o bata ang siyang lumalaban at buong tapang na pinagtatanggol ang ating bayan na unti-unti ng nalulunod sa kumunoy ng kahirapan.

Ngayong araw na ito, inaalala natin ang Araw ng Kalayaan. Ang araw kung kailan buong punyaging winagayway ni Aguinaldo ang watawat na siyang naging simbolo ng kanilang walang katapusang pakikipaglaban upang makamit ang kanilang layunin. Ang mga bayani natin na ginawa ang lahat upang mabuwag ang tanikalang hawak ng mga dayuhan sa paa ng Inang bayan.  Sana, TAYO MISMO, bilang mga bagong nananahan sa Pilipinas ay magkapit-kamay upang masugpo ang kahirapan at korupsyon.

Sana, ang pagsusuot ng dog tag, na nagsisilbing simbolo ng kampanyang ito ay hindi lamang maging palamuti sa ating katawan bagkus ay magsilbing tanda ng ating paninindigan na baguhin ang kinabukasan ng ating bayan. Sana, hindi lamang pangakuan ang ating Ina ng mababangong salita, kundi busugin siya ng ating walang pagkukunwaring paggawa!

Kumusta sa inyong lahat!

•Hunyo 11, 2009 • 1 Puna

Welcome to WordPress.com. This is your first post. Edit or delete it and start blogging!